CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang negosyante nang mabangga niya ang patawid na alagang kambing sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Rolando Galope, 58 anyos, may asawa,negosyante ng bulad at residente ng Barangay Malatab Antipas North Cotabato.

Ayon sa ulat ng pulisya na lulan ang biktima ng kanyang minamanehong motorsiklo mula sa Kidapawan City at pauwi na ng kanyang tahanan ngunit pagsapit nito sa Barangay Sta Maria Matalam Cotabato ay biglang tumawid ang malaking kambing sa national highway.

Sinubukan ng biktima na iwasan ang kambing ngunit nawalan ito ng kontrol sa motorsiklo, sumimplang at natumba.

Nagtamo si Galope ng maraming sugat,galos,bali sa ibat-ibang parte ng kanyang katawan at nabagok pa ang ulo sa semento.

-- Advertisement --

Dinala sa isang pagamutan sa bayan ng Matalam ang negosyante ngunit agad inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City at hindi na umabot ng buhay.

Nagpaalala ang lokal na pamahalaan ng probinsya ng Cotabato maging responsable sa kanilang mga alagang hayop.