-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mayroong 15 tauhan ng Philippine National Police ang nasa ilalim ngayon ng ‘restrictive custody’ hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon mismo kay Justice Secretary Remulla, ang mga pulis na ito ay isinailalim sa naturang restriksyon upang hindi na makapanakit pa.

Paliwanag kasi niya na ang 15 tauhan ng Pambansang Pulisya ay sangkot umano sa pagpatay ng mga biktimang sabungero na magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin nahahanap.

Kaya’t kanyang tiniyak ang patuloy na pag-iimbestiga ng kagawaran kasabay ng pagsegurong hindi sila titigil hangga’t walang naisisilbing hustisya lalo na para sa mga kaanak ng mga sabungero.

Habang kaugnay naman sa hawak nilang testigo na si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan, ibinahagi ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ito’y nasa pangangalaga na ng Philippine National Police.

Aniya’y mayroon na silang ugnayan ni PNP Chief General Nicolas Torre III sa pagprotekta kay alyas Totoy lalo na sa kaligtasan ng kanyang buhay.

“Oo under the protection of the PNP tsaka may restriction na nga sa 15 tao ng PNP na involved dito sa missing sabungero case,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Si alyas ‘Totoy’ o Julie ‘Dondon’ Patidongan ay ang siyang lumantad na testigong nagbunyag ng mga alegasyon kontra kina Charlie ‘Atong’ Ang at aktres na si Gretchen Barretto.

Ngunit ito’y mariin namang pinabulaan ng kampo ni Atong Ang at iginiit pang walang kredibilidad o basehan ang mga paratang ni alyas ‘Totoy’ hinggil sa kanya.

Kaya’t bunsod ng mga palitang ito sa magkakabilang kampo, iginiit ni Justice Secretary Remulla na makaseseguro umano ang publiko na maisisilbi ang hustisya.

Kanyang pagtitiyak na hindi umano maapektuhan o mababahiran ng pera ang kanilang isinasagawang imbestigasyon matukoy lamang ang katotohanan.

Dahil dito, ang kaanak naman ng mga nawawalang sabungero ay muling nakakita ng pag-asa hinggil sa pagkamit nila ng hustisyang matagal ng inaasam.

Ayon kay Janice Esplana, tiyahin ng isa sa mga biktima, ang mga panibagong ulat ay kanyang ikinatuwa sapagkat aniya’y noon ay halos wala na raw silang naririnig na pag-usad ukol sa kaso.

Kaya’t nang lumantad ang nagpakilalang testigo ay nagkaroon muli sila ng pag-asa na makakamtam ang hustisya sa lalong madaling panahon.