Ipapatupad na uli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang modified number coding scheme simula sa darating na Lunes, June 8.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, sa ilalim ng modified guidelines ay magiging exempted pa rin sa number coding ang mga sasakyan na mayroong lulan na mahigit isang pasahero.
Magsisilbi aniya ito bilang “incentive” dahil kaunti pa lamang ang public transportation kahit nasa general comunity quarantine (GCQ) na ang Metro Manila simula nitong June 1.
“Dapat June 1 na yan. Problem is, there’s a process. You have to publish it first in newspapers because it’s new guidelines. Maglabas kami ng modified number coding. Remember, before the COVID, basta coding ka, hindi mo talaga pwedeng talagang pwedeng gamitin yan, kailangan nakaparada lang yan. Now, we’re giving incentive na ‘O sige, sayang naman dahil konti ang public transportation natin, pag coding ka gamitin, mo pero please, dalawa kayo.’ Why? We need to maximize all vehicles coming out,” ani Garcia.
Dagdag nito na sa kanilang pananaliksik, nasa 70% ng mga motorista ay mag-isa lamang sa kani-kanilang sasakyan.
Una nang sinuspinde ang number coding scheme noong Marso kasabay ng “lockdown” sa Luzon bunsod ng coronavirus pandemic.
Gayunman, lifted ang number coding hanggang ngayong unang linggo ng GCQ sa Metro Manila, pero ang Makati City ay una nang ibinalik ang modified number coding scheme.