Isinumite ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor ang Document Containing Charges (DCC) o dokumentong naglalaman ng mga kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa abogado ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJK) na si Atty. Gilbert Andres, nakatakdang ilabas ang naturang dokumento sa website ng ICC.
Subalit ipinaliwanag ng abogado na ang mga sensitibong detalye gaya ng mga pangalan ay kailangang i-redact o hindi isama bago ito ilabas sa publiko para na rin sa kanilang proteksiyon.
Saad pa ni Atty. Andres na ang public version ng naturang dokumento ay mayroong security risk sa nakalagay na mga pangalan kung sakaling mayroon man.
Ipinunto naman ni Atty. Andres na bagamat maraming kinakaharap na kaso ang dating Pangulo naka-specify sa dokumento ang mga kaso.
Maaaring kasama aniya sa mga akusasyon ang gender-based violence, imprisonment o arbitrary grounds at torture at iba pang hindi makataong gawain may kinalaman sa war on drugs ng Duterte administration.
Ang naturang dokumento din aniya ang magsisilbing gabay kung ano ang iprepresentang ebidensiya ng prosekusyon sa kumpimasyon ng mga kaso laban sa dating Pangulo sa Setyembre 23 ng kasalukuyang taon.