Tila hindi big deal kay Aga Muhlach kahit hindi napanalunan ang best actor sa Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival (MMFF) nitong December 27 sa Quezon City.

“Okey lang,” ang maiksi ngunit nakangiting sagot ni Aga sa media.

Kung maaalala, si Aga Muhlach ang maingay na pinag-uusapan ng mga netizens para sa papel nito sa remake ng South Korean drama na “Miracle in Cell No. 7.”

Gayunman, si Allen Dizon ng family drama na “Mindanao” ang ginawaran ng best actor award.

Habang si Aga o Ariel Aquino Muhlach sa tunay na buhay, ang tinaghal na (male) Star of the Night at si Carmina Villaroel sa female category.

Sa impormasyon mula sa pep, matapos ang MMFF ceremony ay dumiretso pa sa late dinner si Aga kasama ang pamilya kung saan masaya itong nakikipagkuwentuhan.

Una rito, hindi naman makapaniwala pero natutuwa si Dizon bilang MMFF best actor ngayong taon.

“Siyempre, Aga Muhlach ‘yun, e. ‘Pag Aga Muhlach ang kalaban ko, OK. Alam ko from the very first day, siya (Aga) yung sinasabi na mananalo for Best Actor. Hindi ko ini-expect na ako ang mananalo. Depende sa jury kung sino talaga ang mananalo. Happy lang,” wika ng dating isa sa most in-demand sexy actor.

Nabatid na big winner ang “Mindanao” at kabilang pa sa mga iginawad sa kanila ay ang Best Actress para kay Judy Ann Santos, Best Director para kay Brillante Mendoza, Best Child Performer kay Yuna Tangod, Best Picture, Best Float, FPJ Memorial Award, Gatpuno Antonio J Villegas Cultural Award, Best Visual Effects, Best Sound, at Gender Sensitive Award.

Mapapanood pa ang walong MMFF entries hanggang sa January 7, 2020, pero tila isyu ang pagtanggal na ng ilang sinehan sa ibang palabas. (photo from Charlene Gonzales IG)