-- Advertisements --

Inihahanda na ng whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy ang kaniyang sinumpaang salaysay sa National Police Commission (Napolcom) kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ito ay kasunod aniya ng magdamagang pagsasapinal ng kaniyang kampo sa karamihan sa kaniyang affidavit.

Aniya, 90 porsiyento na ng dokumento ang kumpleto at mas marami pang testimoniya mula sa mga pamilya ng mga biktima ang inihahain na sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Canlubang, Calamba City, Laguna. Matatandaan na ilan sa mga nawawalang sabungero ay mula sa lalawigan.

Kaugnay nito, ayon kay alyas Totoy inaasahan na makikipag-ugnayan siya sa Philippine National Police Internal Affairs Service bukas.

Welcome development naman para kay alyas Totoy ang mga ulat na ilang pulis na dawit sa kaso ang posibleng maging state witness.

Nauna ng kinumpirma ng Napolcom na mayroon itong hawak na listahan ng mga pulis na sangkot sa kaso ng missing sabungeros kasunod ng rebelasyon ni alyas Totoy na ilang pulis ang sangkot sa krimen.

Ibinunyag din kalaunan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nasa ilalim ng restrictive custody ang 15 police officers dahil sa kanilang pagkakadawit sa kaso.