Pormal nang iprinoklama ng City Board of Canvassers (CBOC) ng Maynila si Bienvenido “Benny” Abante Jr. bilang halal na kinatawan ng ika-6 na distrito ng lungsod para sa 2025 Midterm Elections.
Ginanap ang proklamasyon ngayong umaga sa tanggapan ng Election Officer para sa ikatlong distrito ng Maynila sa Ermita.
Ito ay kasunod ng pag-isyu ng Commission on Elections (COMELEC) En banc ng ‘certificate of finality’ at ‘entry of judgment’ kaugnay ng desisyon nito noong Hunyo 30, na nagpatibay sa proklamasyon ni Abante.
Ayon sa COMELEC En banc, walang inilabas na restraining order ang Korte Suprema sa loob ng limang araw matapos matanggap ng dalawang panig ang desisyon, kaya’t ito ay naging final at executory.
Matatandaan na sa naging desisyon noong Hunyo 30, pinagtibay ng En banc ang pasya ng COMELEC 2nd Division na ipawalang-bisa ang proklamasyon ni Joey Chua Uy. Pinawalang-bisa ng Second Division ang certificate of candidacy (COC) ni Uy matapos matukoy na siya ay isang naturalized Filipino citizen at hindi isang natural-born citizen.
Sa kanyang naging proklamasyon, agpasalamat si Abante sa poll body dahil sa kanila katapangan at pagbibigay-linaw ng komisyon sa pagsuporta sa pasya ng Second Division.
Nagpahayag rin siya ng taos-pusong pasasalamat sa mga residente ng ika-anim na distrito para sa kanilang panalangin, pananampalataya, at pagtitiyaga.