-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang kinalaman ang pagtatalaga kay Rogelio Villanueva bilang bagong maritime affairs spokesperson sa lumalalang palitan ng mga maiinit na pahayag sa pagitan ng Chinese diplomat at ilang opisyal ng Pilipinas.

Ipinaliwanag ni DFA spokesperson Angelica Escalona na nilikha ang naturang posisyon upang bigyang-diin kung paano isinusulong ng DFA ang interes ng Pilipinas sa maritime domain.

Saad pa ng opisyal na mas teknikal ang trabaho kaya mas mainam na may hiwalay na tagapagsalita.

Samantala, sa kanyang unang pahayag, sinabi ni Villanueva na tututok ang DFA sa mandato nito nang matiyaga, matatag, at walang labis na ingay.

Matatandaan kamakailan nagkaroon ng mainit na palitan ng mga pahayag sa pagitan ng mga opisyal ng Chinese Embassy at Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea.

Kabilang dito ang mga pahayag ng Chinese Ministry of Foreign Affairs laban kay Commodore Jay Tarriela ng Philippine Coast Guard (PCG) gayundin ang mga pahayag ng Chinese Embassy na tumututol sa Arbitral Award na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang bisa sa malawakang pag-angkin ng China sa disputed waters.

Nitong Lunes, Pebrero 9, inaprubahan ng Senado ang Resolution no. 256 na komokondena sa mga pahayag ng Embahada ng China sa Maynila na bumatikos sa mga opisyal at institusyon ng Pilipinas dahil sa kanilang paninindigan sa pagtatanggol ng soberanya at karapatan sa dagat ng ating bansa.