-- Advertisements --

Plano ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na bawasan ang presyo ng ticket sa sinehan para sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.

Ayon kay MMDA chairman Romando Artes, na sa katatapos na lamang ng MMFF nitong Disyembre ay nakita nitong mababa ang kita.

Sa mga sinehan kasi sa bansa ang bawat ticket ay nagkakahalaga ng P400 habang ang premium na klase ng sinehan ay aabot ng P600 pataas.

Inamin din ni Artes na maraming mga nagparating sa kaniya ng reklamo dahil sa taas ng presyo sa sinehan na hindi nakakayanan ng ordinaryong mamamayan.

Isa rin na nakita ni Artes ay walang pambata na pelikula na nakasali sa MMFF hindi gaya noong mga nagdaang taon.

Kung ikukumpara noong nagdaang mga taon ay kapos ng P100-milyon ang kita ng MMFF 2025.

Bagamat mababa aniya ang kita ay itinuturing pa rin ni Artes na matagumpay ang MMFF dahil pito sa walong pelikula ang kumita ng malaki kumpara sa mga nagdaang taon na dalawa lamang pelikula ang pumatok.