-- Advertisements --
France Castro ACT Partylist
ACT Partylist France Castro

VIGAN CITY – Patuloy umanong kakalampagin ng minorya sa Kamara si Philippine National Police Chief Oscar Albayalde upang bumaba na ito sa puwesto.

Ito ay kasunod pa rin ng pagmamatigas ni Albayalde na manungkulan hanggang sa nakatakdang pagreretiro nito sa November 8 sa kabila ng mga isyung kinasasangkutan ng pangalan nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, tiniyak ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na hindi umano sila titigil hangga’t hindi bumababa sa puwesto ang kasalukuyang PNP chief dahil naniniwala silang sapat na ang mga testimonya ni dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief- Baguio City Mayor Benjamin Magalong upang madiin ito sa isyu ng mga tinaguriang “ninja cops”.

Naniniwala si Castro at ang Makabayan bloc na walang halong pamumulitika ang pagtestigo ni Magalong laban sa mga tiwaling opisyal ng PNP at wala rin itong personal na intensyon hinggil dito.

Una nang nagpalabas ng resolusyon ang Makabayan bloc para hilingin ang pagbaba sa puwesto ni Albayalde dahil sa pagkakadawit ng pangalan nito sa nasabing isyu at ilan pang isyu na kinakaharap ng PNP.