Inilunsad ng Department of Justice katuwang ang ilang ahensiya ng gobyerno ang ‘revised protocol’ para sa case management ng mga biktima ng Child abuse, neglect exploitation at discrimination.
Kung saan layon rito na mas maging komprehensibo at gawing ‘standardized’ sa kung papaano ang pagsasaayos ng case management sa naaabusong mga biktimang bata.
Ayon kay Justice Undersecretary Raul T. Vasquez, ang paglulunsad ng revised protocol ay bunsod ng pagkakaiba o ‘disparity’ sa mga prayoridad na programa ng pamahalaan para sa mga bata.
“We felt that there is a big disparity in terms of the projects, the priorities and the programs that this department and the entire government had allotted for children,” ani Usec. Raul T. Vasquez ng Department of Justice.
Kanyang ipinagmalaki pa na ang bagong inilunsad na protocol na binuo ng Committee for the Special Protection of Children (CSPC) ay proactive at mas madaling maintindihan.
Makapagbibigay aniya ito ng proteksyon, asiste at tulong sa mga batang biktima ng abuso at iba pa sa kanilang mga buhay.
“This revised protocol is more pro-active, more efficient, more determinable and easier to implement and understand with the idea of giving the children the best protection and the assistance, support…,” ani Usec. Raul T. Vasquez ng Department of Justice.
Samantala, bilang katuwang na ahensya ang National Bureau of Investigation, ibinahagi ni NBI Dir. Ret. Judge Jaime Santiago ang mga aksyon ng kawanihan.
Kanyang pinuna ang mga magulang na sangkot sa ‘exploitation’ na mismong sila pa ang nagbebenta sa mga ibini-video sa kanilang mga biktimang anak.
Kaya’t kanyang ipinagmalaki na may mga napanagot na ang NBI at marami na din ang nasampahan ng kaso.
“Marami kaming cases na ine-exploit ang mga bata, masakit tanggapin na yung mga magulang pa bini-videohan yung anak, binebenta yung video abroad,” ani Dir. at Ret. Judge Jaime B. Santiago ng National Bureau of Investigation.
“Masyadong ano yung mga bata, exploited… Yes meron na tayong conviction, marami na tayong cases na-i-file at marami na tayong na-convict”, dagdag pa ni NBI Dir. Jaime B. Santiago.