-- Advertisements --

Nangako ang Energy Regulatory Commission (ERC) na lulutasin nila sa lalong madaling panahon ang halos 5,000 kaso na nakabinbin sa kanilang tanggapan, kabilang ang mga aplikasyon sa Power Supply Agreements (PSAs), Capital Expenditure (CAPEX), rate resets ng private distribution utilities, at iba pang rate-related na isyu.

Ayon kay ERC Chairperson Francis Saturnino Juan, itatalaga ang bawat commissioner bilang oversight head upang matiyak ang agarang aksyon sa bawat kaso.

Binigyang-diin din ni Commissioner Floresinda Baldo Digal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “reconciled case inventory” para masimulan ang epektibong paglutas sa mga backlog.

Samantala, iginiit naman ni Commissioner Paris Real na dapat unahin ang mga kasong matagal nang nakabinbin mula pa noong panahon ng dating Energy Regulatory Board (ERB).

Bilang bahagi ng hakbang sa pagpapabilis ng proseso, ititigil na ng ERC ang pagpo-post ng Notices of Commission Action (NCAs) upang maiwasan ang kalituhan, at sa halip maglalabas na lamang ng opisyal na desisyon sa loob ng dalawang linggo matapos ang bawat meeting.