-- Advertisements --

Binawi ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang permit to operate ng Villar-owned Siquijor Island Power Corporation (SIPCOR) dahil sa matinding krisis sa kuryente sa Siquijor, ayon sa Department of Energy (DOE).

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, ang utos ay epektibo agad matapos mabigong ayusin ng SIPCOR ang problema sa kuryente sa loob ng halos dalawang buwan.

Ayon sa National Electrification Administration (NEA) audit, nakaranas ng kabuuang 568 power interruptions ang mga residente, o higit 31 beses kada buwan, simula noong Enero.

Dahil dito, idineklara ng lalawigan ang state of emergency kung saan apektado ang mga ospital, paaralan, at kabuhayan, lalo na sa turismo.

Pinalitan na ng PROSIELCO (local electric cooperative) ang SIPCOR sa pamamagitan ng kasunduang pansamantalang suplay ng kuryente sa TotalPower Inc.

Nilinaw ni Garin na ang aksyon ay hindi pulitikal at resulta ng patuloy na pagkabigong tuparin ng SIPCOR ang tungkulin nito.

Samantala, kinumpirma naman ng SIPCOR ang pagkakatanggap ng order at nagsabing pag-aaralan nila ito upang maghain ng legal na tugon.