Kumpiyansa ang Department of Energy (DOE) na maaabot ng Pilipinas ang target nitong 35% na bahagi ng renewable energy (RE) sa power generation mix pagsapit ng 2030, sa kabila ng ilang pagkaantala sa mga proyekto at pagbabago sa polisiya ng Estados Unidos.
Sa forum na “State of Philippine Energy” ng Economic Journalists Association of the Philippines (EJAP), sinabi ni DOE Undersecretary Mylene Capongcol na tututok ang ahensya sa pagpapatupad ng mga nakalinyang proyekto upang matiyak na matatapos ang mga ito sa takdang panahon.
Ayon sa Philippine Energy Plan 2023–2050, target ng bansa na makamit ang 35% RE share sa 2030, 50% sa 2040, at domination ng RE sa power mix pagsapit ng 2050. Sa ngayon, nasa 24% na ang RE share.
Hindi rin ikinabahala ni Capongcol ang posibleng epekto ng anti-renewable energy stance ni US President Donald Trump, dahil karamihan sa mga RE investor ay mula sa Pilipinas, China, at iba pang bansa sa Asya.
Samantala, ayon kay Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Francis Juan, iba ang kalagayan ng Pilipinas kumpara sa US pagdating sa energy resources, at mas limitado ang lokal na mapagkukunan ng fossil fuel.
Dagdag pa rito sinabi ni EDC AVP Allan Barcena, na may bagong geothermal exploration sila sa Mindanao at maging sa Indonesia.
Bukod sa geothermal, tinututukan din ng DOE ang offshore wind energy. Ayon kay Capongcol, may potensyal ang Pilipinas na makalikha ng 178 GW mula sa offshore wind — mas mataas kaysa kabuuang kasalukuyang installed RE capacity na 7.05 GW.
Inaasahan na makakalikha ang offshore wind ng 19–50 GW pagsapit ng 2050.