Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa bulto-bultong shabu na natagpuang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Bataan.
Ayon kay Central Luzon Police Regional Director, BGen. Rogelio Penones Jr. anim na sako na naglalaman ng mga hinihinalang shabu ang natagpuan ng isang residente sa karagatan, malapit sa isang lighthouse sa Barangay Sisiman, Mariveles.
Sa pag-responde ng kapulisan, agad nagsagawa ng inventory ang mga ito sa nilalaman ng mga sako. Lumalabas na aabot sa 118 kilos ang timbang ng kabuuang kontrabando na narecover.
Pawang nakatago ang mga iligal na droga sa mga sako ng patuka ng manok.
Sa kabuuan, tinatayang aabot sa P802.4 million ang halaga ng narecover na ilegal na droga.
Kabilang sa mga inaalam ng pulisya ay ang pinagmulan ng mga kontrabando ngunit lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat na may pagkakatulad ang mga ito sa bulto ng iligal na drogang nalambat sa Masinloc, Zambales kamakailan.