-- Advertisements --

Muling isinulong ni Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang pagsasagawa ng random drug testing sa loob ng Senado upang matiyak na nananatiling drug-free ang kanilang nasasakupan.

Ayon kay Sotto, ipinatupad niya ang naturang programa noong siya ang Senate President sa 18th Congress, kung saan isinailalim sa sorpresang drug test ang 300 empleyado ng Senado, kung saan lahat ay nagnegatibo.

Maging ang mga senador na boluntaryong sumailalim sa testing ay nagnegatibo rin.

Ngunit natigil ang programa matapos ang kaniyang termino bilang pinuno ng Senado.

Ang panukala ay lumutang sa gitna ng kasalukuyang imbestigasyon sa isang staff ni Sen. Robin Padilla na pinaghihinalaang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot sa loob ng Senate building.

Bagamat wala pang opisyal na resulta, binigyang-diin ni Sotto ang kahalagahan ng preventive measures upang mapanatili ang integridad ng institusyon.

Una namang itinanggi ng pinaghihinalaang empleyado na siya ay gumamit ng ipinagbabawal na gamot.

Ang random drug testing ay bahagi ng mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga, alinsunod sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ilalim ng batas, maaaring isailalim sa drug testing ang mga empleyado ng gobyerno bilang bahagi ng workplace safety protocols.

Naniniwala si Sotto na ang pagbabalik ng programa ay hindi lamang magpapalakas ng tiwala ng publiko sa Senado, kundi magsisilbing babala sa sinumang magtatangkang magdala o gumamit ng droga sa loob ng institusyon.