Dismayado ang Palasyo sa resolusyon ni Sen. Robin Padilla na nanawagang imbestigahan ang Presidential Communications Office (PCO) dahil sa umano’y paglalabas nito ng hindi beripikado at nakalilitong impormasyon sa publiko.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nakakalungkot ang panukalang imbestigasyon lalo na’t makikita umano sa kanilang mga briefing ang maayos na pagpapahayag ng programa at proyekto ng pamahalaan.
Kwinestiyon din ni Castro kung beripikado ang mga impormasyong nakasaad sa resolusyon ng senador.
Tiniyak naman ni PCO Acting Secretary Dave Gomez na handa itong makipagtulungan sa Senado at iharap ang mga programa ng ahensya at ipaliwanag ang proseso ng paglalabas ng impormasyon.
Batay sa Senate Resolution No. 188, hinimok ni Padilla ang Senate Committee on Public Information and Mass Media na magsagawa ng inquiry in aid of legislation para paigtingin ang pamantayan sa komunikasyon ng gobyerno at matiyak ang tumpak, malinaw, at responsableng mensahe sa publiko.
















