Kinumpirma ng National Police Commission (NAPOLCOM) na bukas ang kanilang tanggapan na tanggapin ang mga affidavits na natanggap ng himpilan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Hulyo.
Ito ay matapos na matanong kung may kaalaman ba ang komisyon hinggil sa mga naturang ready-made documents na isinumite ng sampung indibidwal na may kaalaman umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ani NAPOLCOM Commissioner Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan, wala siyang natanggap na impormasyon at wala siyang kaalaman hinggil sa mga dokumentong ito.
Aniya, iba ang trabaho ng Department of Justice (DOJ) sa trabaho ng kanilang tanggapan kaya naman kung ang mga affidavit ay may kinalam sa pulis, maaari aniya itong idulog sa kanilang tanggapan.
Kung sakali naman aniya na wala itong kaugnayan o kinalaman sa pulis ay mahalaga din aniyang tignan ang relevance ng nilalaman nito.
Nanindigan naman si Calinisan na sisilipin ng kanilang tanggapan ang lahat ng dapat silipin na mayroong kaugnayan sa pagkakasangkot ng 12 iniuugnay na pulis sa kaso.
Wala din aniyang sinasarang pinto ang komisyon at kahit ano pang ranggo ng sangkot na pulis ay kanilang sinisilip para sa ikkaresolba ng kaso. Sa kanilang ikinakasang imbestigasyon, wala aniya silang sasantuhin at matatamaan ang dapat na matamaan nito.
Nauna naman na dito ay tiniyak ni Calinisan na ang mga pulis na isinasangkot sa kaso ng mga nwawalang sabungero ay pagbibigyan sa due process at pagrespeto sa kanilang karapatang pantao kung saan nakahanda ang komisyon na pakinggan ang kanilang mga kasagutan hinggil sa kaso.
Titiyakin din aniya ng komisyon na lahat ng anggulo ay kanilang titignan at sisislipin upang mapaikli ang imbestigasyon at mailabas ang katotohanan sa lalong madaling panahon.