Inanunsyo ni South Korean President Lee Jae Myung nitong Biyernes na muling ipatutupad ang ilang kasunduang militar sa border ng South Korea at North Korea bilang bahagi ng kanyang hakbang para mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa.
Sa talumpati nito para sa ika-80 anibersaryo ng paglaya ng Korea mula sa pananakop ng Hapon, sinabi ni Lee na kanilang ibabalik ang September 19 Comprehensive Military Agreement, isang kasunduang nilagdaan noong 2018 na layuning pababain ang tensyon sa border sa pamamagitan ng pagtigil sa ilang aktibidad na may kinalaman sa militar.
Matatandaan na nasira ang kasunduan matapos ang pagtaas ng tensyon noong 2023, nang ihinto ng North Korea at ni dating South Korean President Yoon Suk Yeol noong Hunyo 2024 matapos magpadala ng mga lobo ng basura ang North Korea sa South Korea.
Kabilang sa mga probisyon ng kasunduan ang pagtigil ng military drills malapit sa border, pagbabawal sa live-fire exercises, pagtatatag ng no-fly zones, at pagtanggal ng ilang guard posts sa Demilitarized Zone (DMZ).
Hindi pa malinaw kung paano tutugon ang Pyongyang sa hakbang na ito, lalo na’t ilang beses na nitong binatikos ang mga naunang inisyatibo ni Lee para sa kapayapaan.
Samantala, pinaburan din ni Lee ang “forward-looking” na ugnayan sa Japan batay sa interes ng South Korea. Inaasahang bibisita siya sa Tokyo sa Agosto 23 para sa summit kasama si Japanese Prime Minister Shigeru Ishiba, kasabay ng epekto ng mga taripa mula sa administrasyon ni U.S. President Donald Trump.