-- Advertisements --

LAOAG CITY – Apat na indibidwal ang namatay dahil sa leptospirosis dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ito ang kinumpirma ni Dr. Rickson Balalio, ang pinuno ng Provincial Health Office.

Ayon kay Balalio, ang mga nasawi ay pawang magsasaka, isa mula sa bayan ng Vintar, isa mula sa Nueva Era at dalawa pang residente ng bayan ng San Nicolas.

Naniniwala si Balalio na nakuha ng mga biktima ang sakit sa bukid at maaaring huli na silang nagpakonsulta sa doktor.

Dahil dito, pinayuhan ni Balalio na kung makaranas ng sintomas ng leptospirosis tulad ng lagnat, paninilaw ng mata, atbp., kumunsulta agad sa doktor upang maiwasan ang panganib.

Ipinaalam ni Balalio na base sa datos, umabot na sa 33 ang kaso ng leptospiros sa lalawigan mula noong Enero hanggang Agosto 12 ngayong taon, kung saan ang mga magsasaka na apektado ng sakit ay mula sa Laoag City, Bacarra, Pagudpud, Pasuquin, Vintar, Banna, Currimao, Dingras, Marcos, Nueva Era, San Nicolas at sa lungsod ng Batac.

Pinaalalahanan ni Balalio na may mga libreng gamot na magagamit ng mga residente na humiling sa Municipal Health Office sa kani-kanilang lugar para maiwasan ang impeksyon.

Dagdag nito na hindi kailangan ng araw-araw na pag-inom ng gamot dahil pwede naman ng isang beses sa bawat linggo.