Nahaharap ngayon sa patung-patong na kaso ang isang 51-anyos na pulis sa bayan ng Guindulman, Bohol na una ng inireklamo ng panghaharass at pagbabanta sa isang American national at asawa nito.
Ito’y matapos masangkot sa sunud-sunod na krimen kabilang ang pang-aagaw ng baril, pamamaril, at paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas 5:30 nitong Miyerkules, Agosto 13, at inagawan ng baril ng hindi na pinangalanang pulis ang isang 36 anyos na guwardiya ng convenience store sa Brgy. Sawang.
Ayon pa sa biktima, habang nagduty siya ay bigla nalang dumating ang suspek sakay sa kanyang motorsiklong Suzuki Raider 150 kulay black at green at walang plate number.
Nilapitan pa umano siya nito at tinutukan ng armas at daling inagaw ang kaniyang armas.
Agad namang rumespondi ang pulisya ngunit di na ito naabutan sa lugar.
Habang isinagawa ang hot pursuit operation laban sa suspek, nakatanggap sila ng ulat ng pamamaril sa Brgy. Guinacot ng naturang bayan kung saan sapilitan pa umanong pumasok ang suspek sa isang bahay at pinaputukan ang aso, bahay, at tatlong tao, kabilang ang isang 24-anyos na lalaki na tinamaan sa balikat.
Agad itong nirespondihan ng pulisya at doon na ito nahuli na sa naturang lugar kung saan nakuha mula sa posisyon nito ang isang .9mm pistol na may isang ’empty magazine’; .9mm Luger na may dalawang ’empty magazine’ at isang ‘misfired ammunition’; 12 bala ng .9mm; motorsiklo na ginamit sa krimen; 8 ‘fired cartridge cases’ ng .9mm 4 na slug; at iba pang ebidensya.
Hawak na ngayon ng Guindulman PNP ang suspek at nahaharap sa patung-patong na kaso kabilang ang robbery, frustrated murder, illegal possession of firearms, violation of domicile, at grave threats.
Nabatid na noong Martes lang, Agosto 12, ay tinanggalan ito ng kanyang service firearm dahil sa panghaharass at pagbabanta sa isang American national at Pinay na asawa nito habang nagsagawa ng Oplan Sita.
Sa parehong araw din, alas-4:30 ng hapon, naglabas ng utos na ilipat siya sa Provincial Personnel Holding and Accounting Section, PARMU sa BPPO PHQ, Camp Dagohoy, Tagbilaran City, Bohol ngunit hindi na siya nag-report.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Col Norman Nuez, spokesperson ng Bohol Police Provincial Office, nilinaw nito na ang armas na nakumpiska ay personal na armas ng suspek habang ang isa ay ang inagaw nito sa isang gwardiya.
Sinabi pa ni Nuez na wala naman silang impormasyong natanggap na nakainom ang suspek na police nang mangyari ang insidente at posibleng napuno na at nagawa niya ito dahil sa naunang kasong grave threats.
Pinaalalahanan naman nito ang mga sakop ng pulisya sa lalawigan na sa kabila ng pagkapagod, pressure, at stress sa trabaho ay dapat manatiling matatag, kalmado, at mapagkumbaba upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.
Samantala, agad na inatasan ang Provincial Investigation and Management Unit (PIDMU) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para sa kasong administratibo laban sa suspek.
Nakipag-ugnayan din ang PNP sa Bohol Provincial Internal Affairs Service (PIAS) para magsagawa ng moto propio investigation kaugnay ng pangyayari.
Bukod dito, sumailalim din ang nasabing suspek sa psychological at neurological examinations.
Binigyang-diin ng pamunuan Bohol Police Provincial Office na hindi nila ito-tolerate ang mga pulis na pasaway at lumalabag sa batas at karapatang pantao.
Tiniyak ang magiging patas at mabilis na imbestigasyon sa insidente upang mabigyan ng karampatang hustisya ang mga biktima at matanggal sa serbisyo ang suspek.