-- Advertisements --

Kinumpirma ngayon ng Western Mindanao Command (WestMinCom) na naglunsad sila ng airstrike sa kuta ng mga Abu Sayyaf, partikular sa area ng Maligay, Patikul, kung saan namataan ang teroristang grupo at Ajang-Ajang group na nasa likod ng twin bombing sa Jolo.

Ayon kay WestMinCom spokesperson Col. Gerry Besana, lahat ng available aircraft ng Philippine Air Force (PAF) ay ginamit sa isinagawang operasyon.

Inamin ni Besana na Martes ng bandang alas-9:30 hanggang alas-10:00 ng umaga nang nagpakawala ng rockets ang MG520 attack helicopters ng PAF sa direksiyon ng mga bandido.

Bandang alas-6:30 naman ng gabi, nakasagupa ng mga security forces ang grupo ng Ajang-Ajang sa may Brgy. Latih, Patikul, Sulu kung saan napatay ang isang suspek na si Ommal Usop.

Nakatakas naman ang target na si alias Kamah.

Sa kabilang dako, nitong Miyerkules ay may lumipad na mga MG 520 attack helicopters pero hindi ito nagpapakawala ng rockets dahil hindi located ang targets.

Nilinaw ni Besana na walang sibilyan sa nasabing lugar kung saan isinagawa ang airstrike.

Nagpapatuloy pa rin hanggang sa ngayon ang hot pursuit operations laban sa grupo ni alias Kamah.

Tinukoy ng militar na si alias Kamah ang siyang logistics officer ng ASG at tinukoy na nasa likod ng pagsabog sa Mount Carmel Cathedral.