Sa pagbubukas ng 20th Congress, naghain na ang mga senador ng kanilang unang mga panukalang batas.
Kabilang sa mga naghain ngayong Hunyo 30, ay sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, Senators Joel Villanueva, Robinhood Padilla, Loren Legarda, Bam Aquino, Erwin Tulfo, at Camille Villar.
Inaasahan naman na maghahain na rin ang ilang pang mga senador ng kanilang pet bills.
Samantala, halos nakatuon ang unang mga inihaing panukala ni Escudero sa business sector.
20 panuklaang batas naman ang inihain ni Estrada kung saan kabilang dito ang New Anti-Espionage Act at Philippine Coast Guard Modernization Act, bilang chairman ng Committee on National Defense at sa banta na rin sa West Philippine Sea.
Nakatuon naman ang mga inihaing panukalang batas ni Aquino sa edukasyon upang tugunan ang krisis.
Una naman sa listahan ng mga panukalang batas na inihain ni Senador Erwin ay ang resolusyon na naghihimok sa Senado na suriin at balikan ang Rice Tariffication Law upang maibalik ang regulatory powers ng National Food Authority.
Bukod sa layunin ng panukalang batas na ito na pababain ang presyo ng bigas sa merkado, inihain din ito ni Tulfo upang tulungan ang kasalukuyang administrasyon na repormahin ang sektor ng agrikultura.
Nakatuon naman ang mga inihaing panukalang batas ni Villanueva para sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino at mga overseas Filipino workers (OFW).