Pinatunayan ni Mikey Garcia na isa pa rin siya sa mga itinuturing na malalakas na boksingero sa 147-pounds makaraang talunin nito si Jessie Vargas sa pamamagitan ng isang 12-round unanimous decision win.

Nakuha ni Garcia (40-1, 30 KOs) ang kontrol sa ikalimang round nang maikonekta nito ang kanyang kanang kamay sa kaliwang pisngi ni Vargas (29-3-2, 11 KOs).

Hindi rin nakapalag si Vargas nang pasandalin ito ni Garcia sa lubid sa huling 10 segundo ng ikapitong round.

Dahil sa panalong ito, mistulang nakabawi na si Garcia sa pagkatalo nito sa kamay ni Errol Spence Jr. para sa IBF 147-pound championship noong Marso 2019.

Dito ay nagwagi si Spence sa pamamagitan ng unanimous decision, at panalo sa kada round.

Tangan naman ni Vargas ang 2-2-2 sa kanyang huling anim na laban, kung saan dalawa rito ay ang pagkabigo nito sa laban kina Timothy Bradley noong 2015 at Sen. Manny Pacquiao noong 2016.