-- Advertisements --

Pormal nang hinirang ng Philippine Navy bilang bagong Commandant ng Philippine Marine Corps si Major General Vicente Blanco III sa isang command ceremony sa Taguig City nitong Biyernes, Hulyo 4.

Ang seremoniya ay pinangunahan ni Philippine Navy Vice Admiral Jose Ma. Ambrioso Ezpeleta na siyang ginanap sa Marine Barracks Rudiardo Brown, Naval Station Jose Francisco.

Nagpahiwatig naman ng buong suporta at tiwala si Ezpeleta sa liderato ni Blanco at naniniwalang mas palalakasin niya ang mga marines, marine officers, enlisted personnel at ang civilian human resource sa ilalim ng kaniyang pamumuno.

Ayon pa kay Ezpeleta, sa kaniyang liderato inaasahan na ipagpapatuloy ni Blanco ang mga pagbabago alinsunod sa Active Archipelagic Defense Strategy at mas pallakasin pa ang kanilang pwersa.

Dapat din aniya na lagi silang maging handa, hindi lamang sa mga katubigan, ngunit maging sa lupa man o kahit sa mga iba pang littoral zones ng bansa.

Samantala, si Blanco naman ay naging magaaral ng Philippine Military Academy (PMA) “Sambisig” Class of 1991 kung saan siya ay nagtapos sa ika-12 pwesto mula sa 218 na mga kadete.