IMG 20190920 141516

Posibleng simulan na ngayong araw ang pag-release sa mga inmate na sumuko pero hindi naman kasama sa listahan ng mga inmates na nakalaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) Law na pinasusuko ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon Kay Department of Justice (DoJ) Usec. at Spokesman Markk Perete, nasa 300 dating inmate na sumuko na hindi naman nakagawa ng heinous crime ang nakatakdang pakawalang ng Bureau of Corrections (BuCor).

Kabilang na dito ang mga inmate na sumuko pero nakalaya na base sa release order ng korte, nagkaroon ng commutation of sentence, pardon at parole.

Tinututukan na raw ng Oversight Committee on Corrections ang pag-verify sa bawat person deprived of liberty (PDL) na kasama sa paunang listahan ng mga palalayain.

Plano raw nila na magpalaya sa pamamagitan ng “tranches” at posibleng sisimulan na ito ay ngayong araw.

Sa ngayon patuloy daw ang pagbusisi ng komite na sa prison records at carpeta ng bawat PDL na sumuko para matukoy kung sino-sino ang dapat na mapasama sa bagong listahan ng mga PDL na hindi dapat nakinabang sa expanded GCTA.

Kahapon ay aabot na sa 100 na mga records ang nabusisi ng oversight committee.