“Breath of fresh air” para kay Senador Ping Lacson ang hakbang ni Senate Committee on Finance Chairman Senador Sherwin Gatchalian para tiyakin ang transparency sa paghubog ng national budget.
Umaasa si Lacson na maging kaakibat ang kapwa niyang pro-transparency na senador sa pagtiyak na walang “pork” sa budget.
Kinatigan din nito ang panukalang i-upload sa website ng Senado ang mga dokumento upang masiguro ang transparency.
Dito rin aniya malalaman kung sinong nag-insert—at posibleng mag-atubili ang congressman o senador na mag-insert ng walang kwentang pondo na wala naman planong ipagawa at hindi rin naka-align sa National Expenditure Program.
Ipinahayag naman ni Senate Minority Leader Tito Sotto III na buo ang suporta ng kanyang grupo sa panukala ni Gatchalian hanggang sa huli.
Samantala, kinatigan din ni Senator Kiko Pangilinan ang inisyatibo, lalo na’t isa siya sa mga lumagda upang maisulong ang pagbubukas ng bicameral conference hearing sa publiko.
Binigyang-diin naman ni Senator Imee Marcos na ang pangunahing hamon ay ang pagkakaroon ng digital na kopya ng General Appropriations Bill (GAB) at bicam report upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga miyembro ng Senado na ito’y suriin, baguhin, at pagtibayin ang nilalaman ng pambansang pondo.
Kahapon, sinabi ni Gatchalian na ipapa-upload niya sa website ng gobyerno ang mga dokumentong may kinalaman sa budget process.
Ani Gatchalian, ito ay tungo sa isang “golden age of transparency and accountability.”