-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na may nakahandang tulong ang gobyerno para sa mga pribadong paaralan sa buong bansa sa harap ng nararanasang health crisis dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Matatandaang nagkaroon ng malawakang paglipat ng mga estudyante mula private patungong public schools bunsod ng epekto ng pandemya sa kabuhayan ng marami.

Ayon kay DepEd Usec. Jesus Mateo, may nakalakip na halaga sa Bayanihan to Recover as One Act para sa mga learning institutions na maaaring makatulong para manatili silang bukas.

“May mga one time cash assistance to affected faculty teaching and non teaching tapos meron din yatang provision of loans to low interest rate doon sa mga schools,” wika ni Mateo sa isang panayam.

Sa pinakahuling datos mula sa DepEd, nasa mahigit 400 mga private schools sa buong bansa ang nagsuspinde ng kanilang operasyon dahil sa kakulangan ng mga enrollees.

Nasa 1.89-million pa lamang din ang nag-enroll ngayong taon sa buong private education sector, na hindi hamak na mas mababa kumpara sa 4.3-million noong nakalipas na taon.

Habang umakyat na rin sa mahigit 400,000 ang mga mag-aaral mula pribadong eskwelahan ang nagsilipatan sa mga public schools.

Sa naging panayam naman ng Bombo Radyo kay Atty. Joseph Noel Estrada, managing director ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), sinabi nito na bagama’t handa ang kanilang sistema, hindi pa rin naman daw maikakaila na malaking problema sa kanila ang sustainability lalo na’t kapos ang bilang ng mga nag-eenroll.

“Ang problema talaga is ‘yung sustainability and viability dahil walang nag-eenroll eh. Ready ‘yung ating sistema, ready ‘yung mga schools, [pero] underutilized,” sambit ni Estrada.

Samantala, binabalak ngayon ng DepEd na gawing katuwang sa pagpapairal ng blended learning sa ilalim ng Bayanihan 2 ang mga guro sa pribadong paaralan na nawalan ng trabaho.

Sinabi ni DepEd Usec. Nepomuceno Malaluan, mayroon na raw silang partnership sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa ground bilang bahagi ng work assistance sa mga teachers.

Pero sa kasalukuyan, inihayag ni Malaluan na nasa proseso pa raw sila ng pagtukoy sa eksaktong bilang ng mga gurong nawalan ng trabaho na puwede nilang kunin bilang teacher facilitators para sa distance learning.

“No final figure yet on how many displaced teachers can be hired as teacher facilitators for distance learning,” ani Malaluan.