-- Advertisements --

Umapela ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa mga mamamayan ng Basilan na panatilihin ang katahimikan sa lalawigan matapos ang naganap na clan war o “rido” sa bayan ng Tipo-Tipo na nag-iwan ng apat na sugatan.

Ayon kay OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr., naalala ng marami na idineklara bilang mapayapang lalawigan ang Basilan, at umaasa siyang hindi na muling babalik sa karahasan ang lugar.

Ang insidente ay nag-ugat sa pagpatay noong Oktubre 21 kay Nadzri Asdana Tarahin, isang Islamic teacher at kagawad ng Barangay Baguindan, na kinondena ni Galvez bilang isang karumal-dumal na krimen.

Bagama’t opisyal nang idineklarang malaya sa presensya ng Abu Sayyaf Group ang Basilan mula noong Hunyo, aminado si Galvez na nananatili pa rin ang ilang matagal nang alitang angkan o “rido” sa probinsya kung saan higit 32 kaso na ang naitala na nagsimula mahigit 50 taon na ang nakakalipas.

Tiniyak ng OPAPRU na patuloy nilang tinatrabaho ang pagwawakas ng mga rido na nagdulot ng mahabang pagdurusa sa mga taga-Basilan.