-- Advertisements --

Nanawagan ang lokal na pamahalaan ng Tipo-Tipo, Basilan sa lahat ng residente na manatiling kalmado at mapagmatyag matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa posibleng banta ng terorismo sa mga kalapit na lugar.

Ayon sa pahayag ng LGU, pangunahing prayoridad ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan.

Hinikayat ang publiko na maging alerto, iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, at agad na i-report sa mga kinauukulan o opisyal ng barangay ang anumang kahina-hinalang aktibidad.

Sa pahayag ng isang residente na nakilalang si Sham Mangkabong, on-going pa rin hanggang ngayon ang tensyon sa kanilang lugar.

Samantala, kinumpirma ng Philippine Army na isang insidente ang naganap ngayong araw sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan.

Sa kasalukuyan, isinasagawa pa ang beripikasyon sa mga detalye ng pangyayari at nakikipag-ugnayan ang hukbo sa mga kaugnay na yunit sa lugar upang makalap ang kumpleto at tumpak na ulat.

Tiniyak ng Philippine Army sa publiko na kontrolado ang sitwasyon.

Agad na ipinadala ang mga tropa upang tiyakin ang seguridad sa lugar at ang kaligtasan ng mga residente.

Mahigpit din ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensyang pangseguridad upang maibalik ang normal na kalagayan at matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.