-- Advertisements --

Ipinagmalaki ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na naging “very fruitful” ang taong 2025.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, dahil sa malalaking tagumpay sa internal security, territorial defense, at humanitarian assistance and disaster response (HADR).

Ayon kay Padilla, malaki ang ibinaba ng bilang ng mga lokal na teroristang grupo, partikular ang communist terrorist groups, na nagbukas ng dating conflict-affected areas para sa turismo at kaunlaran.

Malaking bahagi dito ang ipinatupad na whole-of-nation approach, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa peace process at normalization, kabilang ang NTF-ELCAC at OPAPRU.

Sa isyu ng teritoryo, pinaigting ng AFP ang presensya at mga patrol sa West Philippine Sea upang ipagtanggol ang soberanya ng bansa, habang sinusuportahan ang operasyon ng BFAR at Philippine Coast Guard.

Ibinida rin ng AFP ang mabilis na pagtugon sa mga kalamidad noong 2025, kabilang ang sunod-sunod na bagyo at lindol sa Cebu, kung saan nanguna ang militar bilang first responder.

Pinalakas din ang kakayahan ng AFP sa disaster response sa pamamagitan ng prepositioning ng assets at pagsasanay ng mga tauhan.

Kaugnay ng modernisasyon, sinabi ni Padilla na patuloy ang acquisition ng bagong kagamitan sa ilalim ng Re-Horizon 3, kabilang ang malalaking barko na ginagamit hindi lamang sa depensa kundi pati sa HADR at medical missions.

Pinalakas at pinalawig din ang ugnayan ng AFP sa mga kaalyadong bansa sa pamamagitan ng mga kasunduan tulad ng Status of Visiting Forces Agreement at Reciprocal Access Agreement, bilang bahagi ng layuning mapanatili ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.

Tiniyak ng AFP na magpapatuloy ang mga inisyatiba nito sa kapayapaan, seguridad, at pagtulong sa mamamayan sa mga susunod na taon.