Beteranong Hollywood aktor na si Eric Dane, na nakilala sa kanyang mga papel sa ”Grey’s Anatomy” at ”Euphoria,” pumanaw na sa edad na 53 matapos ang naging laban sa amyotrophic lateral sclerosis (ALS).
Kinumpirma ng kanyang pamilya na binawian siya ng buhay noong Huwebes ng hapon (araw sa Amerika), sampung buwan matapos niyang isapubliko ang kanyang diagnosis sa ALS, isang bihira at progresibong sakit na umaapekto sa mga nerve cell sa utak at spinal cord.
“With heavy hearts, we share that Eric Dane passed on Thursday afternoon following a courageous battle with ALS,” ani ng pahayag ng pamilya.
Ayon sa pahayag ng kanyang pamilya, kasama niya ang kanyang asawa at dalawang anak sa kanyang mga huling sandali.
“He spent his final days surrounded by dear friends, his devoted wife, and his two beautiful daughters, Billie and Georgia, who were the center of his world.”
Noong Abril ng nakaraang taon nang ihayag ni Dane sa publiko ang kanyang kondisyon. Sa mga sumunod na buwan, hayagan niyang ibinahagi ang pagsubok sa kanyang kalusugan at naging aktibo rin para sa pagbibigay ng kaalaman sa naturang sakit.
Kung saan pumunta pa ang aktor sa Washington, D.C. upang makipagpulong sa mga mambabatas para sa panukalang dagdagan ang pondo sa pananaliksik para sa naturang sakit.
Ipinanganak noong Nobyembre 8, 1972 sa San Francisco, California, nagsimula si Dane sa pag-arte matapos mahikayat sa isang teatro noong siya’y nasa high school.
Noong 2006, sumikat siya bilang si Dr. Mark “McSteamy” Sloan sa Grey’s Anatomy, isang papel na nagbigay sa kanya ng malawak na pagkilala.
Umalis siya sa serye noong 2012 at kalaunan ay gumanap sa The Last Ship bago muling nakilala sa kanyang papel bilang Cal Jacobs sa Euphoria.
Sa kabila ng kanyang karamdaman, nanatili si Dane na matatag at dedikado sa kanyang adbokasiya.










