PANGLAO, BOHOL – Isinagawa nitong Miyerkules, Enero 14, ang send-off ceremony ng kabuuang 1,717 security personnel sa Bohol bilang paghahanda sa ASEAN Summit 2026.
Ipinamalas sa seremonya na ginanap sa Panglao Bohol ang ganap na paghahanda at pinakamataas na antas ng deployment ng mga tauhan ng Bohol Police Provincial Office, katuwang ang pinalakas na puwersa mula sa Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, at iba pang force multipliers.
Sinusuportahan din ang operasyon ng iba’t ibang land at water assets upang masiguro ang mabilis na pagtugon, maayos na mobilidad, at epektibong koordinasyon sa buong lalawigan.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCapt Thomas Zen Cheung, designated spokesperson ng Bohol security coverage para sa ASEAN Summit, kumpiyansa pa ito na fully prepared na ang pulisya sa Bohol katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno para sa naturang aktibidad na gaganapin sa Enero 19 hanggang 31.
Sinabi pa ni Cheung in place na ang kanilang mga plano at mga security measures.
Ayon sa kanya, karamihan sa kanilang paghahanda ay nakapokus sa venues, ruta sa deployment ng tauhan, billeting areas at securities, shorelines, seaborne patrols at may mga binuo na rin umano silang mga contingency plans.
Tumanggi na muna itong magbigay ng karagdagang impormasyon at pag-anunsyo sa mga schedule ngunit binanggit niya na nitong Huwebes ang arrival ng organizing committee ng ASEAN sa naturang lalawigan.
Nanawagan din ito ng buong suporta at pagbabantay sa lahat ng Boholano sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa panahong ito.















