-- Advertisements --

Tiniyak ng Lapu-Lapu City Police Office na sapat at mahigpit ang seguridad para sa nalalapit na ASEAN Summit, kasunod ng inaasahang pagdating ng libu-libong delegado simula Enero 24.

Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay PCOL Antonietto Cañete, OIC ng Lapu-Lapu City Police Office, sinabi nito na may nakahandang kumpletong security package para sa mga VVIPs, kabilang ang SWAT, motorcade, at mahigpit na pagbabantay mula airport patungong Mactan Expo Center, kung saan isasagawa ang mga aktibidad.

Sinabi pa ni PCol Cañete, may kabuuang 814 pulis sa Lapu-Lapu City ang ipapakalat, na madaragdagan ng 120 mula Cebu City pagkatapos ng Sinulog.

Aniya, kanselado rin ang mga leave ng pulisya at tuloy-tuloy ang deployment sa buong Enero.

Aminado pa ito na hamon sa kanilang hanay ang posibleng lightning rallies na hindi papayagan,ngunit inalerto na rin naman ang mga establisimyento para sa inspeksyon at seguridad.

“Ang unang challenge namin is mga lightning rallies. We will not allow it, but we are ready on that. We alerted already sa mga security sa hotesl & resorts to inspect,” saad pa nito.

Tiniyak pa nito na sa tulong ng kanilang buong puwersa at ng komunidad, kontrolado at higit na sapat ang seguridad upang mapanatiling maayos at ligtas ang sitwasyon.

“With our total strenths and the help of the community, we can assure the public that everything is manageable, security is sufficient and even more than enough. We can control the situation,” dagdag pa ni Cañete.