KALIBO, Aklan—Magpapatupad ng pansamantalang shutdown ng lahat ng cellular phone signal sa araw ng Linggo, Enero 18, 2026, sa mismong kapyestahan ni Sr. Sto. Niño de Kalibo bilang bahagi ng security measure sa pagdagsa ng libo-libong deboto, bisita, bakasyunista, balikbayan at maging mga dayuhang turista.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSSgt. Leonilyn Artes, tagapagsalita ng Aklan Police Provincial Office, ito ay batay na rin sa naging kahilingan ni Kalibo mayor Juris Sucro para tiyakin ang kaligtasan ng lahat na dadalo at makisaya sa nasabing okasyon.
Sa umaga ng Linggo ito ipapatupad na magtatagal sa loob ng tatlong oras ngunit walang ibinigay na oras para sa dagdag na seguridad ng lahat.
Kaugnay nito, umapela ang lokal na pamahalaan ng Kalibo sa National Telecommunications Commission (NTC) na abisuhan ng maaga ang kanilang mga telecommunications company upang maipaabot rin sa mobile users na hindi ang mga ito makapag-text o makatawag manlang oras na mawawalan ng signal ang kanilang mga cellular mobile phone.
Samantala, ipinatupad simula ngayong araw ng Sabado at magtatagal hanggang sa araw ng Linggo ang double figure deployment ng Philippine National Police personnel mula sa festival zone hanggang sa secondary area upang mapaigting pa ang seguridad sa paligid.
Ayon kay P/Lt. Sally Mar Bretania, tagapagsalita ng Kalibo Municipal Police Station, katuwang ng PNP ang iba pang force multipliers upang mapalakas ang kanilang pwersa sa pagpapanatili ng kaayusan ng selebrasyon.
Ang Kalibo Sr. Sto. Niño Ati-Atihan Festival 2026 na itinuturing rin na Mother of All Philippine Festivals ay weeklong celebration kung saan, may nakatalaga na nasa 3,000 force multipliers para matiyak ang seguridad at kaligtasan ng lahat ng festival goers.
















