Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways na agarang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa buong bansa, matapos lumabas na 22 classrooms pa lamang ang naitatayo ng ahensya ngayong taon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, pinaiimbestigahan na ng Pangulo ang dahilan ng pagkaantala sa mga proyekto, habang inatasan si Secretary Vince Dizon na magsagawa ng catch-up plan upang mapabilis ang pagpapatayo ng mga paaralan.
Kasama rin umano sa magiging hakbang ng administrasyon ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units para mapabilis ang proseso ng konstruksyon.
Sa talumpati ng Pangulo kanina sa pamamahagi ng Patient Transport Vehicle sa Butuan city, sinabi ng Pangulo na ida-download na sa mga LGU ang pondo na pang pagawa ng mga classroom.
Tiniyak din ng Palasyo na kung may mapapatunayang pagkukulang o kapabayaan sa panig ng mga opisyal, ayasahan na raw na may mananagot.
Samantala, kaugnay naman sa panawagan ni Senator Bam Aquino na ideklarang urgent ang Classroom Building Acceleration Program, sinabi ng Malacañang na hindi pa natatanggap ng Office of the President ang kopya ng panukalang batas, ngunit nananatiling prayoridad ng administrasyon ang pagtugon sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa.















