-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Target ng Department of Education (DepEd)-Caraga at ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur na maibigay ang isang napakagandang karanasan sa buong bansa sa pagho-host nila ng ika-66 na edisyon ng Palarong Pambansa na gaganapin sa taong 2026.

Ayon kay DepEd-Caraga spokesperson Pedro Tecson, isinagawa na ang unang executive committee meeting sa Provincial Learning Center sa Barangay Patin-ay, bayan ng Prosperidad, bilang opisyal na pagsisimula ng mga paghahanda para sa ika-66 na edisyon ng nasabing palaro.

Dagdag pa ng opisyal, noong ginanap ang katulad na palaro sa Vigan, Ilocos Sur nitong nakalipas na tao, ay minanmanan na nila ito kasama ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur upang maging gabay at mas mapaganda pa ang pagho-host nila sa susunod na taon.

Ayon pa kay Tecson, patuloy na nagsasagawa ng mga pagpupulong sina Governor Santiago Cane Jr. at DepEd Regional Director Maria Ines Asunción, kasama ang iba pang mga kaukulang opisyal, upang masunod ang itinakdang timeline tungo sa matagumpay na Palarong Pambansa para sa mga kabataan.