-- Advertisements --

Ikinatuwa ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang pagpayag ng Department of Education (DepEd) na magkaroon ng Wellness Break ang mga guro sa susunod na linggo, sa halip na In-Service Training (INSET) sa mga pampublikong paaralan.

Ayon sa memorandum na inilabas ng DepEd, ang Wellness Break ay mula October 27 hanggang October 30. Ang INSET naman ay maaaring isagawa sa anumang araw sa mga natitirang buwan ng school year 2025-2026.

Nagpasalamat si TDC Chair Benjo Basas sa DepEd dahil pinakinggan nito ang makatwirang hiling ng mga guro.

Ayon kay Basas, ipinapakita ng hakbang na ito ng DepEd na pinapahalagahan nito ang kapakanan ng mga guro.

Dagdag pa niya, karapat-dapat lamang na bigyan ang mga guro ng sapat na panahon upang makapagpahinga at makabawi, lalo na ngayong maraming pagsubok ang kinakaharap ng mga paaralan at komunidad.