-- Advertisements --

Nasa Kuala Lumpur, Malaysia si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang dumalo sa ika-47 ASEAN Summit and Related Summits, kung saan nakibahagi siya sa Plenary Session na ginanap sa Kuala Lumpur Convention Center (KLCC) ngayong araw Oktubre 26, 2025.

Sa naturang sesyon, tinalakay ng mga pinuno ng ASEAN ang mahahalagang isyung may kinalaman sa pagpapatibay ng ASEAN Community, pagsusulong ng ekonomiya, at pagpapalawak ng konektividad sa rehiyon.

Binigyang-diin din nila ang pangangailangang palakasin ang pagkakaisa at cenralized ASEAN, gayundin ang pagsuporta sa isang rules-based multilateral order sa gitna ng mabilis na pagbabago ng pandaigdigang sitwasyong pampulitika.

Isa sa mga tampok na bahagi ng plenaryo ang Handover Ceremony ng Second Protocol to Amend the ASEAN Trade in Goods Agreement (ATIGA) — isang free trade agreement na layong mapadali ang kalakalan sa loob ng rehiyon sa pamamagitan ng pagbabawas o pagtanggal ng mga taripa at hadlang sa kalakalan.

Para sa Pilipinas, muling tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. ang paninindigan ng bansa sa isang “future-ready ASEAN”, at kinilala ang responsibilidad ng Pilipinas na pamunuan ang unang taon ng pagpapatupad ng mga estratehikong plano para sa ASEAN 2045.