Nagkaisa ang mga lider ng labor at business sectors sa panawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tugunan ang pinakamalawak na korapsyon sa kasaysayan ng bansa.
Nais ng mga itong tiyakin na ang administrasyong Marcos ay magbibigay ng konkretong aksyon upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Carlos Miguel Oñate, Spokesperson at Legislative Officer ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), sinabi nitong matindi na ang galit ng mga mamamayan at hindi na sapat ang mga pangako.
Aniya, kabilang sa kanilang panawagan sa administrasyon o 5 wishlist ay ang pagpupulong sa mga labor at business sectors na hindi pa nangyayari, pag-certify as urgent ang panukala na magbibigay ng full contempt at subpoena power sa Independent Commission for Infrastructure at dapat transparent ang pagdinig, at paggawa ng special petition sa Sandiganbayan hinggil sa infrastructure corruption cases.
Binanggit din ni Oñate ang pangangailangang bawiin ang mga nakaw na yaman at i-institutionalize ang multisectoral participation.
Binigyang-diin pa niya na layunin ng liham ay tiyaking ang kampanyang anti-corruption ng administrasyon ay hindi lamang soundbite o selective justice kundi sisimulan ang “national renewal” at tunay na katarungan.
“Itong sinasabi nating pagpapanagot sa lahat ng mga may sala, yan po ay dapat siguraduhin ng Marcos administration kaya po ginawa namin ang bukas na liham sa pangulo sapagkat ito ay non-negotiable. Galit na ang ating kababayan. Wag na po nating ubusin lalo ang kanilang pasensya,” saad ni Oñate.
Naniniwala pa sila na kung didinggin ng administrasyon ang kanilang panawagan, posibleng may mga mapapakulong bago matapos ang taon.
“Naniniwala naman kami na kung ang aming panawagan ay didinggin ng Marcos administration ay talagang siguro by November o December ay talaga pong may mapapakulong na po tayo. At hindi po dapat tayo malihis dun sa maliliit na isda, dapat habulin natin yung malalaking isda kung sino yung ugat, kung sino yung utak dito sa korapsyon na nakikita natin,” dagdag pa nito.















