-- Advertisements --

LAOAG CITY – Patay ang mag-ina matapos pagbabarilin sa Barangay San Antonio sa bayan ng Piddig dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang mga biktima na sina Maria Theresa Dansalan, 55 anyos, at anak na si Jasper Dansalan, 27 anyos, pharmacist, habang ang suspek ay kinilalang si Rodel Donato, 37 anyos, may live-in-partner, security guard at residente ng Barangay Poblacion, Lapaz, Abra.

Ayon kay P/Maj. Kristian Lee Badua, hepe ng Piddig Municipal Police Station, habang bumabyahe ang kulong-kulong na minamaneho ni Rick Garcia, 52 anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng Barangay Nalasin sa bayan ng Solsona kasama ang mag-ina at dalawa pang menor de edad, hinarang sila ng suspek hanggang sa bigla na lamang nitong pinagbabaril ang mga biktima ng ilang beses sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na naging dahilan ng kanilang pagkamatay.

Batay aniya sa imbestigasyon, dating mag-live-in partner ang suspek at ang anak ni Gng. Maria Theresa sa loob ng siyam na taon ngunit naghiwalay sila noong Hunyo ngayong taon.

Gayunman, ipinaliwanag niya na hindi tanggap ng suspek na may bagong nobyo ang dating live-in partner na mas malapit sa mag-ina.

Nadakip ang suspek habang nagroronda ang mga pulis malapit sa pinangyarihan ng krimen.

Nasamsam ang caliber 45 pistol matapos mabigong makapagbigay ng anumang dokumento ang suspek sa mga awtoridad.

Narekober mula sa suspek ang limang cartridge case ng caliber 45 at isang slug ng caliber 45 kabilang ang isang unit ng caliber 45 pistol na may isang bala at isang magazine.

Kaugnay nito, sinabi ni P/Maj. Badua na dati nang nakatanggap ng banta sa kanilang buhay ang mag-ina mula sa suspek.

Dadalo sana ang mag-ina sa isang family dinner dito sa lungsod ng Laoag.

Samantala, nanatili sa kustodiya ang suspek at sinampahan ng 2 counts ng murder at paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Illegal Possession of Firearms.