Binigyang-diin ni Bohol Governor Aris Aumentado ang agarang pangangailangang amyendahan ang Environmental Impact Protection and Natural Areas System (ENIPAS) Act habang nagsisimula ang talakayan sa House Bill 831 sa Committee on Natural Resources.
Layunin pa ng panukalang batas na resolbahin ang matagal nang isyu sa lupa sa loob ng Chocolate Hills National Monument.
Inihayag ni Gov. Aumentado, maraming may-ari ng lupa, maliliit na negosyo, at maging mga LGU ang nahirapan sa loob ng maraming taon dahil ang kanilang mga pribadong ari-arian at urban na sentro ay hindi inaasahang naisama sa protected area.
Dahil dito, naging mahirap para sa kanila ang makakuha ng Environmental Compliance Certificates (ECC), na nagdudulot ng pagkaantala sa lokal na pag-unlad at naglilimita sa tamang paggamit ng mga lupang pag-aari ng mga pamilya sa loob ng maraming henerasyon.
Umaasa naman ang gobernador na mapapabilis ang proseso sa Kongreso upang matulungan ang mga apektadong residente at negosyo.
















