-- Advertisements --

Binigyang-diin ng Department of Tourism ang kahalagahan ng 5th ASEAN–Russian Federation Tourism Ministers Meeting bilang plataporma para sa pagpapatibay ng tiwala at kooperasyon sa turismo.

Sa kanyang opening remarks kasabay ng pagpupulong nitong Biyernes, Enero 30, sa lungsod ng Cebu, sinabi ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na nagiging makabuluhan ang turismo kapag tinatanggap ang mga bisita nang may dignidad at umuuwi silang may paggalang sa kultura at lugar na kanilang binisita.

Ayon sa Kalihim, mahalaga ang maaasahang biyahe, malinaw na impormasyon, pare-parehong pamantayan, at dekalidad na serbisyo upang muling sumigla at umunlad ang turismo.

Ibinahagi rin ni Frasco ang mga hakbang ng Pilipinas upang palakasin ang turismo mula Russia, kabilang ang chartered flights patungong Kalibo, pagsasanay ng mga tour guide sa wikang Ruso, at travel programs na pinagsasama ang leisure at pag-aaral.

Tinututukan naman ang produktibong talakayan sa ASEAN–Russian Federation Tourism Work Plan 2026–2030 sa sustainable tourism, digital transformation, innovation, at capacity building.

Samantala, binati ni Nikita Kondratyev ng Russia ang Timor-Leste bilang bagong kasapi ng ASEAN at binanggit ang nalalapit na ika-35 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Russia at ASEAN sa 2026.

Ayon kay Kondratyev, ang bagong tourism work plan ay magpapalakas ng kooperasyon at magbubukas ng mas malinaw at accessible na ugnayan, lalo na sa patuloy na interes ng mga turistang Ruso sa rehiyon.