Nagpahayag ang ASEAN ng matibay na suporta sa kapayapaan sa Middle East at muling pinagtibay ang pangako nito sa mapayapang paglutas ng mga sigalot alinsunod sa international law, nang walang banta o paggamit ng dahas.
Ito ay bahagi ng ipinaabot na pahayag ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa kamakailang ASEAN Foreign Ministers’ Retreat sa Cebu.
Ayon kay Lazaro, muling iginiit ng ASEAN ang matagal nang paninindigan nito sa two-state solution, na naglalayong magkaroon ng dalawang malaya at mapayapang estado na may kinikilalang mga hangganan.
“We reiterated our view that peace initiatives in the Middle East should not, in any way, diminish the prospect for Palestinian statehood, as well as undermine the inalienable right to self-determination of the Palestinian people, in accordance with international law,” saad ni Lazaro.
Aniya, tinanggap din ng ASEAN ang resolusyon ng United Nations Security Council noong Nobyembre 2025 na sumusuporta sa US peace plan bilang positibong hakbang sa pagtugon sa humanitarian crisis at pagpapanatili ng seguridad sa Gaza.
Binigyang-diin din ng ASEAN na ang anumang hakbang para sa kapayapaan ay hindi dapat humadlang sa Palestinian statehood o sa karapatan ng mga Palestino sa self-determination, alinsunod sa international law.
Iginiit pa ni Sec. Lazaro, mahalaga ang mga prinsipyong ito upang makamit ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
“We maintain that these conditions are imperative to achieving a just, lasting, and comprehensive peace in the region,” dagdag pa nito.















