-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na natimbrehan na nila ang International Criminal Police Organization (Interpol) na nakansela na ang pasaporte ng nagbitiw na si dating Ako Bicol Party List Representative Zaldy Co.

Ayon kay Foreign Affairs Spokesperson Ambassador Angelica Escalona, natanggap ng DFA noong Disyembre 10 ang resolution ng Sandiganbayan na naguutos sa kanselasyon ng pasaporte ng dating mambabatas.

Paliwanag ng DFA official na naipaalam na rin nila sa Interpol office sa Pilipinas, na Philippine Center on Transnational Crimes, ang kanselasyon ng pasaporte ni Co. Saka ito irereport sa Interpol national at ititimbre sa lahat ng international border control para ilagay sa alert system ang pasaporte ni Co.

Pagdating naman sa umano’y posibleng hawak ni Co na golden passport, sinabi ng DFA official na tanging ang Portuguese government ang makakasagot dito. Aniya, hindi lahat ng Pilipino na nakakakuha ng foreign citizenship at foreign passport ay nagrereport sa DFA.

Nitong Biyernes, kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Public Affairs and Communications Donnie Puno na sinimulan na ng ahensiya ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Portugal para maberipika ang naturang report kaugnay sa Portuguese passport ni Co.

Matatandaan, nauna ng isiniwalat ni DILG Sec. Jonvic Remulla na namonitor ang huling lokasyon ni Co sa Portugal.