Patuloy pa rin ang pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bohol laban sa African Swine Fever (ASF) kung saan 23 barangay na lang ang apektado mula sa siyam na munisipalidad.
Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu kay Bohol first district Board Member Lucille Yap Lagunay, sinabi nito na 437 barangays na ang ASF-free.
Sinabi pa ni Lagunay na bagamat may mga naitalang kaso pa, agad itong natutukan, kaya’t hindi ito lumaganap sa iba pang bahagi ng probinsya.
Dahil dito, nagpatupad ng regulasyon ang lokal na pamahalaan sa pagbiyahe at pag-angkat ng mga live pigs, pork products, at iba pa upang mapigilan ang muling pagkalat ng virus.
Patuloy din aniyang minomonitor at tiyaking sumunod sa mga alituntunin ang mga produkto ng baboy mula sa mga apektadong lugar.
Samantala, sa panig naman ni Dr. Meydallyn Paman ng Office of the Provincial Veterinarian, sinabi nito na sa ilalim ng regulasyon, ang mga produkto ay dumaan sa masusing dokumentasyon at inspeksyon bago ito payagang pumasok sa probinsya.
Nilinaw din niya na kahit may mga regulasyon na ay hindi pa tapos ang laban sa naturang virus.
Aniya, asa period of containment pa ang lalawigan at kailangang magtulungan ang bawat isa upang masigurado na hindi na muling kumalat pa ito.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, nananatili namang sapat ang supply ng mga karne ng baboy sa merkado.
















