-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni Sen. Imee Marcos sa Bicameral Conference Committee (bicam) meeting ang kawalan ng panukalang badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kasalukuyang deliberasyon para sa P6.793 trilyong 2026 national budget.

Ayon kay Marcos, wala umano siyang nakikitang DPWH budget sa alinmang dokumento, kabilang ang 9-page summary ng reconciliation of disagreeing provisions na ibinigay sa mga mambabatas.

Giit ng senadora, kung tunay na transparency ang layunin ng Kongreso, mahalagang mailatag ang badyet ng DPWH dahil dito nagmumula ang pagdududa at kawalan ng tiwala ng publiko.

Ipinaliwanag naman ni Senate Committee on Finance Chairman Sherwin Gatchalian na nakatakdang talakayin ang DPWH budget sa susunod na araw, kasama ang special purpose funds at unprogrammed appropriations.

Subalit iginiit ni Marcos na nakapaloob na ang unprogrammed appropriations sa mga dokumento at pinagtataka niya kung bakit hindi pa rin kasama ang DPWH, lalo’t umaabot sa mahigit 1,500 pahina ang committee report.

Ang DPWH ay isa sa pinakamalaking ahensya na tumatanggap ng pondo kada taon, karaniwang nasa P800 bilyon hanggang P900 bilyon para sa mga proyektong pang-imprastruktura tulad ng kalsada, tulay, flood control, at iba pang public works. Sa 2026 budget, inaasahang kabilang ang DPWH sa mga pangunahing ahensya na may malaking alokasyon, kasunod ng Department of Education at Department of Health.

Dahil dito, binigyang-diin ni Marcos na hindi dapat mawala sa mga dokumento ang DPWH budget sapagkat ito ang isa sa pinakamahalagang bahagi ng pambansang pondo.

Hiniling din ng senadora na maibigay nang mas maaga ang mga kumpletong dokumento upang mapag-aralan ng mga miyembro ng bicam, at maiwasan ang pangamba ng publiko na may tinatago sa proseso ng budget reconciliation.