Pinag-aaralan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang iba’t-ibang mga panukala para maibsan ang walang tigil na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ginawa ng Malacañang ang pahayag sa harap ng panibago na namang malakihang oil price hike ngayong araw na sinasabing pinakamalaki para sa taong 2019.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, nakakarating kay Pangulong Duterte ang mga proposal na may kinalaman sa kung paano tutugunan ang mga nangyayaring oil price increase at kabilang dito ang isinusulong sa pag-aamyenda ng Oil Deregulation Law.
Kanya aniyang tatanungin kay Pangulong Duterte hinggil sa naturang hakbang na maamyendahan ang batas para magkaroon ng “ngipin” laban sa mga umaabusong oil companies.
“I’ll ask the President about it,” ani Panelo. “Dumarating sa kanya iyong mga proposal di pag-aaralan niya iyan.”
Taong 1998 nang malagdaan ang Oil Deregulation Law na ang layunin sana ay mas mapalakas ang kompetisyon sa hanay ng mga kompanya ng langis at mag-alok ng mas katanggap-tanggap na presyo ng petroleum products.