Mataas ang posibilidad na mabuo bilang bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) na nasa karagatan ng Pilipinas sa sunod na 24 oras.
Sakaling maging bagyo, tatawagin itong “Bising”.
Habang papalapit ang LPA sa kalupaan, posibleng itaas sa Tropical Cyclone Wind Signal #1 ang mga lugar sa eastern portions ng Northern at Central Luzon, ayon sa state weather bureau.
Huling namataan ang namumuong sama ng panahon kaninang alas-8:00 ng umaga sa distansiyang 230 kilometers sa silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Maaari itong kumilos nang mabagal at magtagal sa may silangan ng Northern Luzon ngayong araw base sa forecast ng weather bureau.
Inaasahang magdadala din ang LPA ng katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan sa may parte ng Northern Luzon hanggang sa araw ng Biyernes, Hulyo 4.
Samantala, masusi pa ring binabantayan ang tropical depression na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR). Namataan ang bagyo sa layong 2,680 km silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon kaninang alas-8:00 ng umaga.
Inaasahang magdadala naman ang habagat ng kalat-kalat na mga pag-ulan sa nalalabing bahagi ng Luzon kabilang na dito sa Metro Manila at sa Western Visayas.
Pinag-iingat naman ang publiko sa banta ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga mabababa at mabubundok na lugar sa gitna ng mga inaasahang pag-ulan.