-- Advertisements --

Nilinaw ng Inter-Agency Task Force for the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF) na hindi pa magiging ganap na normal ang pamumuhay at galaw ng mga nakatira sa mga lugar na hindi na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) o general community quarantine (GCQ).

Kabilang sa inalis na sa ECQ at GCQ ang Region I; Region IVB; Region V; Region VI; Region VIII; Region X; Region XII at BARMM.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, kailangan pa ring masunod ang minimum health standards sa mga nasabing lugar kabilang ang social distancing, madalas na paghuhugas ng kamay at pag-disinfect sa kapaligiran.

Ayon pa kay Sec. Roque, tatalakayin pa ang mga guidelines din sa pagsasagawa ng mass gatherings sa mga nasabing lugar dahil habang wala pang bakuna at gamot sa COVID-19, hindi pa tayo ganap na ligtas.

Ipinaalala ni Sec. Roque na isang carrier lamang ang makapasok sa isang lalawigan ay maaaring magkalat na ito ng COVID-19.

“Hindi na po tayo pupuwedeng bumalik sa normal na bago dumating ang COVID-19 habang walang bakuna, habang walang gamot sa COVID-19. Kung tayo po ay magpipilit na magbubulag-bulagan sa COVID-19 ay baka ang kapalit po niyan ay ang ating mga buhay,” ani Sec. Roque.